-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pormal ng nagsimula ang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2023 na ginanap sa City of Ilagan Sports Complex.

Umabot sa 6,778 ang kabuuang bilang ng mga delegado at technical officials mula sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Cagayan, Batanes, City of Ilagan, lunsod ng Santiago, Tuguegarao City, at lunsod ng Cauayan.

Sa isinagawang grand opening at parade ay pumarada ang mahigit 6,000 delegado mula sa lalawigan ng Quirino, Isabela, Batanes, Cagayan, Nueva Vizcaya at mga lungsod ng Santiago, Tuguegarao, Cauayan at Ilagan.

Ang grand opening ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal sa region 2 sa pangunguna ni Mayor Jose Marie Diaz ng Lunsod ng Ilagan na punong-abala sa CAVRAA Meet 2023.

Samantala, sa naging talumpati ni Mayor Diaz sinabi niya na ang CAVRAA Meet 2023 ay magiging daan upang makadiskubre ng mga atleta na kakatawan sa Cagayan Valley sa palarong pambansa.

Sinabi rin niya na ang City of Ilagan ay kinikilala na sa buong Pilipinas bilang Sports Capital dahil sa kakayahang maghost ng mga prestihiyosong athletic event.

Ayon kay Mayor Diaz sa pamamagitan ng CAVRAA meet ay lalo pang mahahasa, matututo, at lalong huhusay ang mga atleta sa Cagayan Valley.

Samantala, nagbigay ng mensahe si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio sa lahat ng mga delegado ng CAVRAA 2023.

Sinabi ng bise presidente na ang mga ganitong sports event ay isang paraan para mahubog ang mga bata.

Aniya, ang pisikal, emotional, at pyschological na kabuuan ng mga bata ay mahalagang aspeto sa buhay na lalong mahuhubog sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok sa mga sporting events.