-- Advertisements --

Isang panalo na lamang ang kailangan ng defending champion na Cleveland Cavaliers upang umusad muli sa ikatlong sunod na taon sa NBA finals.

Ito ay makaraang makuha ng Cavs kanina ang Game 4  laban sa Boston Celtics sa score na 112-99 para sa 3-1 lead sa serye.

Nakabangon ang Cleveland sa nauna nilang pagkatalo sa Game 3.

Nagsama ng pwersa sa opensa sina Kyrie Irving na may 42 big points at si LeBron James na nagtala ng 34 points.

Tumulong naman si Kevin Love sa kanyang 17 points at 17 rebounds para iposte ang 11-1 record sa postseason.

Samantala sa panig ng Boston nanguna sina Avery Bradley na may 19 at Jae Crowder na nagdagdag naman ng 18.

Bigo pa ring makalaro si All-Star guard Isaiah Thomas dahil sa hip injury na maaaring mangailangan ng surgery.

Ang Celtics coach na si Brad Stevens ay dismayado sa kabiguang depensahan ng maayos ng kanyang mga bata si Irving.

Maaaring tuluyang ibulsa ng Cavs ang serye sa Game 5 na magaganap sa Biyernes sa homecourt ng Boston.

Kapag nangyari, ito na ang magiging ikatlong sunod na conference title ng grupo ni James.

Muli rin namang makikipagtuos kung sakali ang Cavs sa ikatlong finals matchup nila sa mahigpit na karibal na Golden State Warriors.