Nananatiling undefeated ang Cleveland Cavaliers matapos talunin ang kalabang Chicago Bulls sa score na 119-113.
Naibulsa na ng Cavs ang 12 – 0 na kartada ngayong season. Ito na ang pinakamagandang record ng Cavs sa loob ng halos isang dekada.
Muling pinangunahan ng guard na si Donovan Mitchell ang Cleveland at nagpasok ng 36 points. Panibagong double-double performance din ang ginawa ng forward na si Evan Mobley – 15 points, 11 rebounds.
Hindi naging madali sa Cavs na patumbahin ang Bulls dahil na rin sa magandang opensa ng huli, sa pangunguna ng forward na si Zach Lavine na kumamada ng 26 points. Tig-20 points din ang ipinasok nina Coby White at Nikola Vucevic sa pagkatalo ng Bulls.
Kung ibabase sa opensa, malayong mas maganda ang perforamance ng Bulls matapos mapanatili ng koponan ang 49.4 overall shooting percentage kumpara sa 44.3 ng Cavs. Sa 3-pointers, nagawa rin ng Bulls na panatilihin ang 36.8% habang 33.3% lamang sa Cavs.
Sa free throw line, namentene ng Bulls ang 81.3% shooting percentage habang 75% lamang ang nagawa ng Cavs.
Gayonpaman, umabot sa 20 turnover ang nagawa ng Bulls sa kabuuan ng laro habang napanatili ng Cavs ang magandang play sa kabuuan at umabot lamang sa walong turnover ang nagawa ng mga players nito.
Ang mas maraming turnover ang sinamantala ng Cavs upang patumbahin ang Bulls at tuluyang ibulsa ang ika-12 panalo ngayong season, pinakamalinis na record kumpara sa record ng 29 iba pang team sa NBA.
Ang Cavs ang ika-walong team sa NBA history na magtala ng 12-0 sa pagsisimula ng season.