-- Advertisements --

Nalasap ng Cleveland Cavaliers ang pinakamatinding pagkatalo ngayong season matapos maghiganti ang dati nitong tinalo na Oklahoma City Thunder (OKC), 134 – 114.

Mistulang ibinunton ng OKC ang galit nito mula sa dating nalasap na pagkatalo noong huling nagharap ang dalawang NBA best team kung saan sa pagtatapos pa lamang ng unang quarter ay hawak na ng Thunder ang 17 points na kalamangan.

Dinagdagan pa nito sa ikalawang quarter na pina-abot sa 25 points.

Pinilit man ng Cavs na gumanti sa ikatlong quarter ngunit hindi pa rin nito kinaya ang episyenteng opensa ng best Western team. Sa halip na mahabol, lalo lamang tumaas ang lead at umabot pa sa 37 points.

Sa loob lamang ng 29 mins. ay nagawa ni Shai Gilgeous-Alexander na magpasok ng 40 points, kasama ang walong assists. Nag-ambag din ang forward ng koponan na si Luguentz Dort ng 22 points sa loob lamang ng 20 mins. na paglalaro.

Walang nagawa ang limang Cavs starter sa mistulang pag-masaker ng Oklahoma sa mga ito. Maging ang sharpshooter na si Donovan Mitchell ay nalimitahan lamang sa walong puntos sa loob ng 21 mins. na paglalaro.

Tanging si Darius Garland ang gumawa ng episyenteng opensa mula sa Cavs kung saan sa loob ng 24 mins. na paglalaro ay nagawa niyang magpasok ng 20 points, kasama ang siyam na assists.

Kasunod ng naturang laban, kapwa hawak ngayon ng dalawang koponan ang 34-6 na win-loss record na kapwa best record sa kasalukuyang season.