-- Advertisements --

Gumawa ang Cleveland Cavaliers ng isa sa pinakamalaking comeback win ngayong season laban sa defending champioin na Boston Celtics.

Nagtapos ang laban sa pagitan ng dalawa, 115 – 111, pabor sa Cavs. Sa unang kalahating bahagi ng laro, lamang ng dalawang puntos ang Cavs, 51 – 49.

Pero pagpasok ng ikatlong quarter, nagpasok ang Boston ng 35 points at nagawang limitahan ang Cavs sa 21 points. Dahil dito, hawak ng Boston ang 12-point lead laban sa Cavs.

Pagpasok ng 4th quarter, agad umarangkada ang Cleveland sa pangunguna ni Donovan Mitchell at nagbuhos ang koponan ng 43 points sa loob ng 12 mins.

Nagawa rin ng Cavs na limitahan ang defending champion sa 27 points lamang.

Dahil dito, 18 na ang panalo ng Cavs habang nananatili pa rin sa tatlo ang nalasap nitong pagkatalo. Ito naman ang ika-apat na pagkatalo ng Boston habang 16 na ang naibulsa nitong panalo.

Sa Boston, ibinabad ng husto si Jayson Tatum at gumawa ito ng 33 points, at walong rebound.

Hindi naman nakapaglaro ang kaniyang ka-tandem na si Jaylen Brown at sa halip ay si Kristaps Porzingis ang umalalay kay Tatum, gamit ang 21 points at walong rebounds.

Para sa Cavs, 35 points ang ibinuhos ni Mitchell, habang 22 points at walong assists ang nagawa ni Darius Garland.

Ito ang unang panalo ng Cavs kasunod ng dalawang magkasunod na pagkatalo mula sa Atlanta Hawks nitong nakalipas na lingo.

Hawak pa rin ng Cavs ang top spot sa East, sunod ang Boston.