Naibulsa ng Cleveland Cavaliers ang ika-50 panalo nito ngayong season laban sa Portland Trailblazers matapos manaig sa isang overtime game, 133 – 129.
Ang Cavs ang unang team sa NBA na makakuha ng 50 wins at siya ring unang koponan na makakuha ng playoff spot ngayong season.
Naitabla ang score sa 119 sa pagtatapos ng regulation matapos habulin ng Cavs ang 10-point deficit sa huling quarter.
Sa pagpasok ng overtime, hindi na pinayagan ng Cavs na maka-lamang pa ang Blazers, at dinumina ang 5-min stretch, 14 – 10.
Natapos ang overtime thriller sa score na 133 – 129 pabor sa Cavs, sa pangunguna ni De-Andre Hunter na gumawa ng 32 points at pitong rebounds.
25 points at anim na assists naman ang kontribusyon ng bench na si Ty Jerome habang 20 points at walong rebounds ang ambag ng forward na si Evan Mobley.
Pinangunahan naman ni Blazers forward Deni Avdija ang kaniyang koponan sa pamamagitan ng isang triple double performance – 30 – 12 – 10. habang 27 points ang ibinulsa ng bagitong guard na si Anfernee Simons.