Panibago na namang milestone ang naabot ni LeBron James kasabay ng panalo ng Cleveland Cavaliers sa New Orlean Pelicans, 107-102, sa kanilang homecourt sa Quicken Loans Arena sa Cleveland.
Binasag ni James ang NBA record ng basketball legend na si Michael Jordan na consecutive games scoring na at least 10 points.
Ito na ang ika-867 sunod-sunod na regular season games na nakapuntos si LeBron ng 10 o mahigit pa.
Ang naturang record ay dating hawak ni Jordan, pero umiskor ngayon si James ng 17.
Inaasahang ilang taon pa bago malampasan si LeBron dahil ang sumusunod sa kanya na aktibong player ay si James Harden ng Rockets na nasa 258 pa lamang sa kabuuan na natipon.
Samantala sa naging laro kanina, ang Filipino-American player na si Jordan Clarkson ay tumulong sa kanyang 23 points, kasama na ang apat na three-pointer, habang si Rodney Hood ay nagdagdag ng 16 upang patibayin pa ang hawak ng Cavaliers (46-30) sa third place sa Eastern Conference.
Halos half-game ang abanse ng Cavs sa Philadelphia, na tinalo naman ang Atlanta, 101-91.
Sa panig ng New Orleans (43-33) bigo ang kampanya nina Jrue Holiday na kumamada ng 25 points, Nikola Mirotic na may 20 at si Anthony Davis na nagtapos sa 16.
Tatangkain ng Pelicans na makabangon sa laban sa Oklahoma City sa Lunes.
Sunod namang haharapin ng Cavaliers sa kanilang teritoryo ang Dallas.