LOS ANGELES – Kinailangang kumayod ng husto nina Kyrie Irving na may 46 points at LeBron James na nagdagdag ng 34 bago tuluyang dinispatsa ng Cleveland Cavaliers ang Los Angeles Lakers, 125-120.
Naghabol pa ang Cavs sa pamamagitan ng rally dahil sa 11-point deficit sa fourth quarter.
Maging si Kevin Love ay nagpursige sa kanyang 21 points at 15 rebounds dahil sa sorpresang hindi pagsuko kahit kulelat ang Lakers sa Western Conference.
Nagpakitang gilas kasi si D’Angelo Russell sa pagbabalik sa Los Angeles na marami ang pinabilib sa kanyang career-high na 40 points.
Ito ay sa kabila na meron ng limang sunod-sunod na talo ang Lakers (20-50) o kabuuang 13 talo sa huling 14 na games.
Bago ang nasabing laro umani ng batikos sa mga fans ang Cavs (46-23) dahil tinambakan sila ng 43 points kahapon ng Clippers.
Hindi kasi naglaro sina James, Love at Irving.