Nakaligtas sa suspension si Cleveland Cavaliers center Tristan Thompson sa kabila nang inasal nito sa Game 1 kontra sa Golden State Warriors big man na si Draymond Green.
Sa halip pinatawan ng NBA ng multa si Thompson na umaabot sa $25,000 (halos P1.3 million).
Dahil dito, tuloy pa rin na makakalaro sa Game 2 sa Lunes ang 6’9″ at 27-anyos na si Tristan.
Nagdesisyon din ang Liga na i-downgrade ang unang ipinataw na flagrant-two foul at naging flagrant-one na lamang si Tristan nang tangkain niyang i-block si Shaun Livingston at ang sumunod ay hindi niya nagustuhan ang tawag sa kanya ng referee.
Una nang pinalusot din ng Liga sa parusa si Kevin Love makaraang makitang hindi naman layon ng Cavs star na makisawsaw sa away.
Samantala, napansin naman ng ilang eksperto na kabilang sa dahilan kaya nahirapan ang Warriors na agad na idispatsa ang Cavs ay bunsod nang hindi umubra ang grupo ni Stephen Curry pagdating sa battle of the boards.
Mas naging epektibo at maraming rebounds ang ginawa ng grupo LeBron James na umabot sa 53 laban sa 38 lamang ng Warriors.
Kaya naman inaasahan na ang misyon ngayon ng Warriors ay ma-neutralize sa aspetong ito ang Cavs para itala ang 2-0 lead sa best-of-seven series ng NBA Finals.