-- Advertisements --

Galit na galit na ipinagtanggol ni Senator Pia Cayetano ang mga naging patutsada ni Sen. Risa Hontiveros hinggil sa umano’y anomalya sa pagtatayo ng sports facilities na ginamit noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Humarap si Sen. Cayetano sa Senate plenary session kahapon para sagutin ang naging privilege speech ni Hontiveros sa mga isyu na bumabalot sa sports facilities na itinayo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Nagpatawag kasi si Hontiveros ng “full-scale” legislative inquiry ang tungkol sa naturang proyekto ng BCDA dahil sa umano’y naganap na korapsyon sa pondo at konstruksyon ng sports facilities.

Ayon sa senadora, posibleng peke ang naging joint venture sa pagitan ng BCDA sa isang Malaysian firm para lamang matapos ang pasilidad na gagamimtin sa nasabing biennial event.

Maaari rin aniyang ginamit lamang ito para iwasan ang public bidding at binulsa lamang ng mga opisyal ang pondo para sa proyekto.

Kaagad naman itong dinepensahan ni Cayetano. Ang pasilidad umano na ginamit noong 2019 SEA Games ay isang world-class stadium at natapos kaagad sa mabilis na panahahon.

Hindi rin daw magiging matagumpay ang naturang event kung hindi inayos ang stadium sa Rizal Memorial Sports Complex at Ultra Philippine Sports Complex.

Tinanong naman ni Hontiveros ang kaniyang kapwa senador kung nakita na nito sa personal ang pasilidad sa New Clark City dahil noong nakita raw kasi ito ng mga atletang pambato ng Pilipinas noong SEA Games ay naiyak umano ang mga ito dahil kulang ang suporta na nakukuha nila mula sa gobyerno.