Handa umano si Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano sa anumang puwedeng mangyari sa susunod na linggo kung kailan inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang manok sa pagka-ispiker ng Kamara.
Ayon kay Cayetano, kumpiyansa raw ito sa kanyang tsansa na siya ang ieendorso ni Pangulong Duterte sa speakership race na pinag-aagawan din ng apat pang mga mambabatas.
Bagama’t batid niya na lahat naman sila ay umaasang papangalanan ng presidente, sinabi ni Cayetano na mas malakas daw ang kanyang dasal kumpara sa kanila.
Gayunman, naniniwala si Cayetano na wala na raw saysay na ipagpatuloy pa nito ang kanyang interes sa pagka-speaker sakaling hindi nito makuha ang endorsement ng presidente.
“I don’t want to waste the 22 days of July campaigning,” ani Cayetano.
“Kapag hindi ako, e di marami akong oras. Pero problema ko, kung ako, how can I deliver yung mga pinangako ko. But I have no reason to doubt the President’s word and I also respect his vision, his leadership,” dagdag nito.
Mas mainam din aniyang si Pangulong Duterte na ang mismong mamili upang hindi na maulit ang drama sa ikatlong State of the Nation Address nito kung saan napatalsik sa puwesto ang noo’y House speaker na si Pantaleon Alvarez at pinalitan ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Nangangamba si Cayetano na kung sakaling hayaan lamang ng Presidente na maglaban-laban ang mga speakership aspirants, mas madramang eksena raw ang matutunghayan ngayong taon.
“Baka mas magulo pa kasi SONA last year, dalawa lang ang kandidato e. Ngayon, so far, apat na consistent, may isa o dalawang nagpaparinig. Pero you’re in house with almost 300 leaders, anyone of them can rise to the occasion,” wika ni Cayetano.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Party-list Coalition president Rep. Mikee Romero, wala pa raw mapili si Pangulong Duterte na kanyang susuportahan sa speakership race.
Alam daw kasi ng Pangulo na sa oras na may i-endorso na siya para sa naturang posisyon ay hindi maiiwasang may masasaktan ito dahil karamihan sa mga tumatakbo ay galing sa kanyang partido na PDP-Laban.