Pinayuhan ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo na atupagin ang trabaho bilang anti-drug czar kaysa dumaldal sa harap ng media.
Sa interview ng media kay Cayetano, sinabi nito na magmula nang tanggapin ni Robredo ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte dito bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ay panay lamang interview ang inatupag nito.
Mas mainam aniya kung kinausap na lamang ni Robredo na kausapin ng pribado ang mga kaukulang ahensya na involved sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon sa lider ng Kamara, lalo lamang binibigyan ng pagkakataon ni Robredo ang mga drug lords na mapag-aralan ang mga hakbang na tatahakin ng pamahalaan sa madalas nitong pa-press conference.
“Sinabi niya i-abolish yung Oplan Tokhang, eh ako i-abolish muna yung “Oplan All-Talkhang” kasi all talk na eh,” giit pa ni Cayetano.
Sinita rin nito ang sinasabi ni Robredo na pahintulutan ang United Nations at ang Estados Unidos na pumunta sa Pilipinas at ang paglapit din nito sa US Embassy at paghingi ng tips kay Sen. Panfilo Lacson.
Sa halip na atupagin ang pagsusulong sa pagbuwag sa Oplan Tokhang, mas mainam ayon kay Cayetano na unahin munang ihinto ni Robredo ang “Oplan All-Tokhang.”
Ang tagumpay naman kasi aniya ng kampanya kontra iligal na droga ay tagumpay ng bawat Pilipino at hindi basta para kay Robredo lamang.
Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hangad pa rin naman niyang magtagumpay ang Bise Presidente sa pag-upo nito sa ICAD pero dapat pag-aralan muna nito ng husto ang kalakaran ng iligal na droga para mapuksa ang ugat ng problema.