Naghain na ng kanyang irrevocable resignation bilang House speaker si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Ginawa ito ni Cayetano sa kanyang Facebook live sa kalagitnaan ng talumpati naman ni Speaker-elect Marinduqure Rep. Lord Allan Velasco sa mababang kapulungan ng Kongreso nitong umaga.
Nagpasalamat si Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya sa mga nakalipas na taon lalo na noong kinuha siya nito bilang Vice presidential candidate noong 2016 elections hanggang sa nabigyan nang pagkakataon na maging kalihim ng Department of Foreign Affairs at kalaunan ay lider ng Kamara.
Pero humihingi rin ito ng paumanhin sa Pangulo dahil sa mali ang kanyang pagkakaintindi na nais nitong ituloy ang pagtalakay at pagpasa sa 2021 national budget.
“Ang pagkakaalam ko po talaga, I was to handle the budget. I was told na until matapos ang budget para walang disruption. I invited Cong. Velasco to join me,” saad ni Cayetano.
“Mr. President, if I made a mistake. Mali ang reading ko, misunderstood ko na gusto mong ituloy at tapusin ko ang budget. Hindi ko intention, never, na hindi ka sundin,” dagdag pa nito ilang oras bago ang ipinatawag din na pulong ng Pangulong Duterte sa kanilang dalawa sa Malacanang..
Labis din ang pasasalamat ni Cayetano sa mga sumusuporta sa kanya sa Kamara, pero umapela ito na suportahan na lamang ang proseso ng budget.
Iginiit ni Cayetano na ang kongreso ay masyado nang nahahati sa mga nakalipas na araw.
Ang tanging natutuwa lamang aniya rito ay ang oposisyon sapagkat nakikita silang mga kaalyado ng Presidente na nagkakagulo.
Subalit pinuna naman ng kongresista ang aniya’y pagiging bayolente raw ng kampo ni Velasco nitong umaga.
Sinira raw kasi ng mga ito ang pinto sa Kamara kaya inabisuhan na niya ang mga opisyal sa kapulungan na payagan na lamang ang mga ito na gumamit ng mga pasilidad sa kapulungan upang huwag lang magkaroon ng sakitan.
Mababatid na sumugod sa plenaryo ng Kamara ang mga supporters ni Velasco para pagtibayin ang pagkakaluklok dito bilang lider ng kapulungan.
Mababatid na kahapon, sa makasaysayang sesyon sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City, 186 na mga kongresita ang bomoto para gawing bagong speaker ng Kamara si Velasco.
Ang bilang na ito ang nalikom na boto sa nominal voting sa sesyon nitong umaga.