Nanawagan si Senador Alan Peter na agarang ibalik ang pondo para sa programang Basic Education Facilities ng Department of Education (DepEd).
Aniya, mahalaga ito sa pagbibigay ng maayos at ligtas na pasilidad para sa milyun-milyong estudyanteng Pilipino.
Sinabi ni Cayetano, na ang pagbawas ng pondo para sa rehabilitasyon at pag-aayos ng mga paaralan ng DepEd ay maglilimita sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang siksikan na mga silid-aralan at pagkumpuni sa mga nasirang pasilidad.
Paliwanag niya, kapag kulang ang pondo, mahihirapan ang gobyerno na makapagbigay ng ligtas at epektibong mga lugar para sa pag-aaral ng mga estudyante.
Binanggit din ng senador na ang mga problemang ito ay pinalala ng pinsalang dulot ng matinding lagay ng panahon at pagbabago ng klima, kaya’t kinakailangan ang pagtutok sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga pasilidad sa edukasyon.
Ipinunto rin ng senador ang paglaki ng pondo para sa bagong konstruksiyon ng mga paaralan habang nabawasan naman ang pondo para sa pag-aayos ng mga nasira.
Sa kanyang panawagan, hinimok ni Senador Cayetano ang “maximum utilization and efficiency” sa pagsasaayos at pagpapabuti ng imprastruktura ng mga paaralan.