Hinikayat ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na isapubliko ang nilalaman ng House at Senate version ng 2021 General Appropriations Bill.
ito’y kasunod na rin ng mga alegasyon ng pagdaragdag umano sa pondo ng ilang district representatives.
Ayon kay Cayetano, ito raw ay para masigurong walang unconstitutional at individual insertions na ginawa sa ilalim ng 2021 national budget bago pa man ito mapagtibay sa bicameral conference committee.
Sa paraang ito ay maipapakita aniya mismo sa publiko kung talaga bang may dagdag-bawas na ginawa sa pambansang pondo.
Dagdag pa ni Cayetano, pagkakataon din ito para sa media na alamin kung may katotohanan sa mga bintang ng korapsyon at katiwalian na nakapaloob sa national budget.
Karapatan din aniya ng lahat ng miyembro ng Kongreso na malaman ang nilalaman ng P4.5 trillion 2021 national budget upang maiwasan ang “for later release” sa mga budget items at maiwasan din ang veto sa budget.