-- Advertisements --

Hinimok ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang mga posibleng kumandidato sa pagkapangulo sa 2022 national elections na pagtuunan ng pansin ang isyu sa COVID-19 pandemic.

Pahayag ito ni Cayetano matapos lumabas ang isang survey ng Pulse Asia tungkol sa mga potensyal na tumakbo sa presidential elections kung saan nanguna si Davao City Mayor Sara Duterte na may 26 percent.

Kabilang din sa listahan ng mga posibleng presidentiables si Cayetano, na nasa ikapitong puwesto na may tatlong porsyento.

Ayon kay Cayetano, bagama’t hindi raw mapipigilan na pag-usapan ang halalan, mas mainam na tumulong na lamang daw muna ngayong pandemya ang sinumang nagbabalak na tumakbo sa susunod na taon.

“Sobrang nating problema sa’ting bansa and the single biggest challenge ng administrasyon na ‘to at ng mga administrasyon around the world is ‘yung paga-administer ng vaccine effectively,” wika ni Cayetano.

“Hindi mo mapipigilan na may mga survey, may mga nag-uusap na ng 2022, but I think the best thing to do is anyone na may balak na tumakbo sa 2022 ay tumulong na lang muna sa pandemic na ‘to,” dagdag nito.

“I mean, dadating at dadating tayo sa time na kailangan pag-usapan [ang 2022 elections] kasi by the end of the year filing of candidacy na.”

Inihayag pa ng mambabatas, hindi rin daw dapat malihis ang atensyon ng publiko sa mga malalaking usapin tulad ng COVID-19 vaccines.

“Hindi pwedeng ma-distract sa main issue talaga ng pagbili ng tamang bakuna at pag-roll out ng plano na masasabayan natin ang ating mga neighbors,” anang mambabatas.

“Hinding hindi pwede ‘yung sinasabing plano na three to five years tayo when all our other neighbors, hindi lang sa Southeast Asia kundi sa buong Asya at sa buong mundo, ay nagpa-plano na dalawang taon lang tapos na ‘yung programa ng pagbabakuna,” dagdag nito.

Sa Pulse Asia survey, tabla sa ikalawang puwesto sina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senator Grace Poe na may iskor na 14 percent.

Pumangatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno na may 12 percent, na sinundan ni Sen. Manny Pacquiao na may 10 percent, at si Vice President Leni Robredo na may eight percent.