Binuweltahan ni Phisgoc chair House Speaker Alan Peter Cayetano sina dating Pangulong Benigno Aquino III at Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa pagiging “hipokrito” aniya ng mga ito sa paggastos ng pamahalaan ng P6 billion para sa pag-host ng bansa ng 2019 Southeast Asian Games.
Ito ay matapos na sabihin kamakailan nina Aquino at Drilon na masyadong mahal ang P50 million na ginastos ng Duterte administration para sa pagtayo lamang ng isang cauldron, na maari sanang gamitin sa pagpapatayo naman ng 50 silid aralan.
Ayon kay Cayetano, kung tutuusin ay malaki ng ‘di hamak ang P10 billion na ginastos naman ng nakalipas na administrasyon para sa hosting ng Pilipinas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Manila noong 2015.
“Ang sinasabi ko lang yung hypocrisy na noong P10 billion ang hiningi nila sa Kongreso, para sa APEC, [sabi nila] para sa bayan ito, representasyon ito, karangalan ito. We have to spend on known artists and singers. We have to serve good food para maganda representasyon,” saad ni Cayetano.
Iginiit ng lider ng Kamara na hindi na dapat pang inungkat nina Aquino at Drilon ang usapin hinggil sa kakulangan sa mga silid aralan bagkus ang issue na ito ay lumala pa noong nakalipas na administrasyon nang sinimulang ipatupad ang K-12 program.
Pinuna rin ni Cayetano ang patuloy na pagbatikos ng mga lider ng oposisyon sa kabila ng apela na magkaroon muna ng cease fire.
“So, sabi nila, ceasefire after the games na lang. So, sabi ko, “’Wag kayong mag-alala. After the games, kahit araw-arawin niyo ‘ko, ako haharap. Ako sasagot. Kung may kailangan idemanda, ako idemanda niyo. Pero ‘wag before and during the games. E araw-araw nasa TV e. Talagang ‘yung all-talk lang, Operation All-talk Lang, parang 2022 na siguro nasa isip,” dagdag pa nito. Cayetano.