Umaasa si Senador Alan Peter Cayetano na ibabalangkas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang infrastructure projects sa bansa.
Para kay Cayetano, SONA ng Pangulo ay babalangkas ng isang matatag na infrastructure plan na mag-iiwan ng pangmatagalang pamana para sa mga Pilipino.
Katulad ng mga matagumpay na proyekto sa Hong Kong at Japan na sinimulan ilang dekada na ang nakalipas, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagsisimula nang malalaking proyekto ngayon upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto at pangmatagalang benepisyo.
Sinabi din ni Cayetano na ang kinabukasan ng Metro Manila ay nakasalalay sa pag-uugnay sa Greater Manila Area, na kinabibilangan ng rehiyon ng CALABARZON at mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Binigyang-diin pa nito ang pangangailangan ng administrasyon na gumawa ng pangmatagalang estratehiya sa imprastraktura upang makapag-iwan ng pangmatagalang pamana.
Aniya, napapanahon ngayon ang paglatag ng mga proyekto dahil magiging abala na ang lahat sa paghahanda sa presidential elections sa 2028.