Hinikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na iwasan ang mga hindi-akmang pagpalakpak habang isinasagawa ang banal na misa.
Sa isang mensahe, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang nakasanayang pagpalakpak, sa kalagitnaan man ng misa o pagkatapos ng selebrasyon, ay maaaring magdulot ng pagkawala sa pokus at tunay halaga ng misa at pagsamba.
Kailangan aniyang repasuhin ng simbahan ang naturang practice at gabayan ang mga mananampalataya sa dapat nilang gawin.
Inihalimbawa ni Arch. Villegas ang ilang bahagi ng misa tulad ng ‘breaking of the Bread’ bilang seryosong pag-alala sa hirap na dinanas ni Hesu-Kristo bago namatay.
Giit ng Arsobispo, hindi dapat pumapalakpak habang ang iba ay naghihirap o naghihinagpis.
Hinikayat din niya ang mga pari na iwasang gumamit ng ‘applause’ para lang mapanatiling gising ang mga mananampalataya.
Binigyang-diin ni Villegas na ang maikli, inspiring, at maayos na inihandang homily ay sapat na.