-- Advertisements --

Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko partikular na ang mga botante na maging matalino sa kanilang mga pipiliing mamumuno sa bansa para sa papalapit na halalan sa Mayo 9.

Sa homily ni CBCP president Bishop Pablo Virgilio David sa Mass of the Lord’s Last Supper sa Caloocan Cathedral ay binalaan niya ang publiko na maging maingat sa mga taong umaastang diyos sa oras na makuha ng mga ito ang posisyon at kapangyarihan na kanilang hinahangad.

Ang ganitong klaseng mga indibidwal kasi aniya ay ang mga bagong uri ng alipin na nabighani sa kapangyarihan.

Ibinabala rin ni Bishop David na ang mga ganitong klase ng tao ay malaki ang posibilidad na malasing at mabaliw sa kapangyarihan dahilan kung bakit kayang-kaya itong paglaruan ng demonyo.

Dapat din aniyang isaalang-alang ng mga botante kung sino sa kanilang mga pagpipiliang mamumuno sa bansa ang aastang boss, at sino ang mga magpapakumbaba’t magpapaka-alipin para maglingkod sa bayan.

Samantala, nagbigay rin naman ang obispo ng mga babala sa mga nasa kapangyarihan na kumilos nang may pananagutan.

Ipinahiwatig din niya na dapat ay tularan ng mga ito si Jesus na umako sa tungkulin ng isang alipin sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga paa kanyang mga alagad dahi nangangahulugan aniya ito ng mapagpakumbabang kalooban.