Pinuri ng Simbahang Katolika ang kautusan ng House panel sa pagpapahinto ng konstruction ng Kaliwa Dam sa Tanay Rizal.
Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng Commission on Social Action ng Catholic Bishop Conference of the Philippines na hindi dapat maisakripisyo ang kabutihan ng karamihan para sa interest ng ilang negosyante.
Labis kasi na maapektuhan ang pamumuhay ng mga katutubo ganun din masisira ang kalikasan kapag itinuloy ang konstruksyon ng Kaliwa Dam.
Dagdag pa nito na nararapat na irespeto ng gobyero ang mga indigenous people dahil sila ang nagsisilbing bantay sa mga natitirang magandang kalikasan.
Magugunitang ipinag-utos ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples sa mga ahensiyang sangkot sa proyekto na itigil ang aktibidad dahil sa maapektuhan ang mga lupaing minana ng mga tribu Agta-Dumagat-Remontado.
Nauna ng mariing tinutulan ng Simbahang Katolika ang P122 bilyon China-funded project at nanawagan sila na pag-aralang mabuti ang nasabing proyekto kung saan mawawalan ng tirahan ang nasa 11,000 pamilya na naninirahan sa 28,000 hektaryang lupain.
Malulubog din ang nasa 300 hektaryang kagubatan na magiging panganib sa mga 126 endemics at endangered species ng mga halaman at mga hayop.