Kumalas na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa executive committee ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay para mapanatili umano ang kasarinlan ng CBCP subalit ipagpapatuloy pa rin ang engagement nito o ugnayan sa anti-communist body sa ibang paraan.
Paliwanag pa ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Commission on Public Affairs, na mas mainam na makipag-engage sa NTF-ELCAC nang labas sa executive committee gaya na lamang bilang isang advisory body.
Nagsagawa din sila ng malalim na diskusyon sa naturang usapin kung saan mas maiging madinig ang panig nila bilang external voice sa halip na mapasama sa multi-agency at multi-sectoral executive committee.
Ipinaliwanag din ni Fr. Secillano na sumapi ang CBCP commission sa NTF-ELCAC bilang bahagi ng whole of nation approach na ginagawang hakbang ng pamahalaan laban sa ilang dekada ng presensiya ng armadong mga komunista sa ilang parte ng ating bansa kung saan kabilang dito ang pakikipagtulungan sa mga stakeholder gaya ng Simbahang katolika.
Una ng sinabi ni Fr. Secillano nitong Lunes na nakikipagugnayan na ang CBCP sa NTF-ELCAC simula pa noong Duterte administration nang mabuo ang naturang task force.
Kung saan magpapatuloy aniya ang naturang engagement at ang pakikipagmiyembro nito sa komite ay bilang formality lamang.
Kung maalala kasi, umani ng samu’t saring pagkabahala ang pagkakasama ng public affairs commission ng CBCP sa executive committee ng NTF-ELCAC nang inanunsiyo noong Setyembre ng kasalukuyang taon.
Inakusahan naman ng task force ang ilang Church workers ng pagkakaugnay ng mga ito sa komunistang grupo kung saan naghain ang pamahalaan ng terrorist financing charges laban sa Rural Missionaries of the Philippines.