Tinawag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines(CBCP) bilang tagumpay ng pananampalataya, hustisya, at suporta ng komyunidad ang tuluyang pagbabalik-bansa ni Mary Jane Veloso.
Kaninang umaga(Dec. 18) ay dumating si Veloso sa Pilipinas matapos ang halos isa at kalahating dekadang pagkakakulong sa Indonesia.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, ang nagsisilbing vice chairman ng CBCP Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, ang homecoming ni Veloso ay simbolo ng pag-asa at ang kapangyarihan ng dasal.
Isa rin itong makabuluhang hakbang aniya dahil naisabay ito sa International Migrants Day.
Gayonpaman, hindi rito nagtatapos ang laban para kay Veloso dahil kailangan pa aniyang muling magtulungang manalangin para tuluyang gawaran si Mary Jane ng clemency.
Sa pagbabalik ni Veloso sa Pilipinas, muli nitong pinanindigan ang kaniyang pagiging inosente at pagkakabiktima mula sa mga sindikato ng human at drug trafficking.
Si Veloso ay unang na-sentensyahan ng drug trafficking noong 2010 sa Indonesia matapos siyang mahulihan ng mahigit 2.6 kgs ng heroin na tinatayang nagkakahalaga ng $500,000.
Ang naturang kontrabando ay pinaniniwalaang galing sa mga drug syndicate na umano’y konektado sa kaniyang mga recruiter.