Nag-alay ng panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa batang Kuwaiti na umano’y pinatay ng isang Pinay worker sa Kuwait.
Inialay ni Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang panalangin at pakikipagdalamhati sa pamilya ng namatay na bata.
Kasama aniya sa kaniyang panalangin ay ang magabayan at matulungan ang pamilya ng bata na malagpasan ang dinanas na problema.
Malaki rin aniya ang epekto ng naturang krimen sa bawat Pilipino, lalo na sa mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa, kaya’t kailangan aniya ang pagkakaisa at panalangin ng bawat isa para muling malagpasan ang panibagong problema sa Kuwait.
Umapela rin ang pari sa pamahalaan na matulungan ang Pinay na kasalukuyan nang nakakulong.
Kasabay aniya ng paghiling ng hustisya para sa batang Kuwaiti ay ang paghahatid din ng sapat na tulong sa Pinay suspect, sa kabila ng umano’y pagkakasalang nagawa niya.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isinilid ng Pinay worker sa washing machine ang batang Kuwaiti. Na-rescue pa umano ang bata ng kaniyang mga magulang at nadala sa pagamutan ngunit kinalaunan ay pumanaw rin.