Naglabas ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ng panuntunan para sa obserbasyon ng Ash Wednesday ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga ito ay gagamit na lamang ang simbahan ng mga natuyong sanga at dahon ng mga halaman at mga puno dahil hirap ang mga simbahan na makakuha ng mga lumang palaspas noong nakaraang taon bunsod ng ipinatupad na pandemic.
Dahil na rin sa limitadong bilang ng mga tao na papayagang makapasok sa simbahan sinabi ni Baguio Bishop Victor Bendico ang chairman ng CBCP Episcopal Commission on Liturgy na maaaring bigyan na lamang ng abo na nakalagay sa plastic ang mga mananampalataya at sila na ang maglalagay nito sa noo ng kanilang kaanak na nasa bahay.
Bibigyan din sila ng simbahan ng mga paraan at dasal para sa paglalagay ng abo.
Para iwas na rin sa pagkakahawaan ng COVID-19 ay isang option ng simbahan ay ang pagpatak ng abo sa ulo at maaari ring gumamit ng bulak.
Tiniyak din ng CBCP na mahigpit na ipapatupad ang minimum health standard sa mga dadalo at misa.
Magugunitang ginawang 50 percent na ng national government ang kapasidad na mga dadalo sa mga misa mula sa dating 30 percent.