-- Advertisements --

Nagpaalala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga vendor na huwag magbenta sa loob ng bakuran ng Simbahan kasunod ng viral video ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng isang pari at nagbebenta ng palaspas sa St. Francis of Assisi Parish sa Cainta, Rizal noong Linggo ng Palaspas, Abril 13.

Sinabi ni CBCP Commission on Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, na ibibigay niya ang “benefit of the doubt” sa pari na nasa video na mukhang nagalit sa isang vendor.

Hindi din aniya patas para husgahan ang isang tao base lang sa maikling clip lalo na at kulang ang konteksto.

Posibleng umabot na aniya sa puntong iyon dahil paulit-ulit na nagtanong ng maayos ang pari. Saad pa niya na may mga tao talagang matigas ang ulo. Kayat paano aniya asahan ang isang tao na manatiling kalmado.

Nang tanungin kung dapat bang magsagawa ng imbestigasyon, sinabi ni Fr. Secillano na hindi na kailangan dahil ito ay isang maliit na insidente lamang na pinalala pa dahil ito ay naging viral.

Saad pa nito na hindi naman basta basta na lang susugurin ng pari at haharapin agad ang mga tao.

Nilinaw naman ni Secillano na hindi pinagbabawal ang pagbebenta. Pinapayagan aniya ang mga ito na magbenta hindi lang sa loob ng bakuran ng Simbahan.