Nagpahayag ng suporta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa panukala ng mga mambabatas mula sa TINGOG Party-list na kikilalanin o bibigyang kapangyarihan ang church annulment tulad ng sa civil annulment upang buwagin ang isang kasal.
Una rito, sa isinagawang pagtalakay ng House Committee on Population and Family Relations sa House Bill 1593, sinabi ni CBCP Public Affairs Executive Secretary Fr. Jerome Secillano na sang-ayon ito sa repormang isinusulong ni Pope Francis pagdating sa annulment of marriage.
Aniya, ito ay para makaiwas sa dagdag gastusin at mahabang proseso ng pagdeklara sa isang kasal bilang null and void.
Tulad sa isang judicial proceeding, mayroon din aniyang executive committee na susuri sa merits ng annulment at sakaling aprubahan, ay sasapat na ang lagda ng bishop ng diocese para ideklarang walang bisa ang kasal.
Kaya kung kikilalanin na ng estado ang church annulment ay hindi na kakailanganin pang dumaan ng mga mag-asawa sa state o civil annulment.