-- Advertisements --

Nais ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magkaroon ng public consultation kaugnay sa muling pagpapanumbalik ng parusang kamatayan.

Reaksyon ito ng CBCP makaraang manawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address kahapon na magpasa ng batas para maibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection sa mga drug-related cases.

Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, naninindigan ang Simbahang Katolika sa kanilang pagtutol sa death penalty at umaasa silang irerekonsidera ng Pangulong Duterte ang nasabing isyu.

Sinabi pa ni Secillano, dapat magsagawa ng public consultation ang mga mambabatas upang malaman ang pulso ng masa sa naturang paksa.

Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na malaki na raw ang tsansa na maipasa sa 18th Congress ang pagbuhay sa death penalty para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Ngunit sa panig ng ilang mga mambabatas maging ng ilang mga sektor, imbis na death penalty ang atupagin, dapat na mas ayusin ng pamahalaan ang justice system ng bansa.