Muling umapela ng tulong ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa mga nabiktima ng sunod-sunod na lindol sa Mindanao.
Sinabi ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles na dapat ipamalas sa mga panahong ito ang pagkakaisa at pagkakawanggawa.
Kasabay nito, nanawagan din ang arsobispo sa publiko na patuloy na ipagdasal ang mga biktima lalo na ang mga nawalan ng mahal sa buhay.
Sa pagtataya ng mga otoridad, mas lumaki pa raw ang pinsala sa Mindanao matapos ang pagyanig kahapon.
Kasama sa mga nagtamo ng pinsala ang mga simbahan sa Diocese of Kidapawan partikular ang mga parokya ng Makilala at Magpet.
Nagtatag na rin ang diyosesis ng emergency quick response team at naglunsad ng relief efforts para sa mga apektadong residente.