-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Kabuuang naging matagumpay ang ginanap na retreat at ika-126th plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Marzon Hotel sa Jaime Cardinal Sin Avenue sa bayan ng Kalibo, Aklan na nagsimula noong Hulyo 3 at nagtapos araw ng Lunes, Hulyo 10 ng kasalukuyang taon.

Sa ginanap na pulong balitaan, inihayag ni CBCP president Most Rev. Pablo Virgilio (Ambo) David, Bishop of Kalookan ang mga naging highlights ng aktibidad na dinaluhan ng 84 na mga Obispo at administrators gayundin ang kauna-unahang pakikibahagi ng Apostolic Nuncio to the Philippines, Most Rev. Charles John Brown.

Aniya, hindi lamang sa retreat nila nakibahagi ang Papal Nuncio kundi maging sa kanilang eskursyon sa isla ng Boracay.

Sa nasabing eskursyon ay nakipagkita ang mga Obispo sa Aeta Community matapos na ipinaabot ni Bishop Jose Corazon Talaoc ng Diocese of Kalibo ang kinakaharap na problema ng mga Aeta kung saan, namemeligro ang mga ito na mawalan ng matitirhan dahil sa mga petisyon ng land developer sa Certificate of Land Ownership na napasakamay sakanila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, umapela ang CBCP sa national at local government gayundin sa mga private developers na respetuhon ang CLOA na ibinigay sa mga Aeta.

Sa kabilang dako, masayang inanunsyo ng CBCP ang pagdeklara sa Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene bilang National Shrine of the Black Nazarene.

Ayon kay CBCP president Most Rev. David, na sa wakas ay naaprubahan ang proposal ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang Quiapo Church ay maging ‘National Shrine of the Black Nazarene.”

Naaprubahan ang nasabing panukala sa ginanap na asembleya kung saan, ang simbahan ng Quiapo ay ang ika-29 na national shrine ng bansa.

Mula noong 1787 na isinasagawa ang traslacion ay nakilala ang Quiapo Church bilang sentro ng debosyon para sa mga Pilipinong mananampalataya.