-- Advertisements --

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Pilipinong nasa Luzon at Visayas na tulungan ang mga taga-Mindanao na naapektuhan ng malakas na magnitude 6.3 na lindol na tumama noong Miyerkules.

Ayon kay CBCP President Romulo Valles, umaasa itong aalalayan ng mga taga-Luzon at Visayas ang mga Mindanaoans na makabangon at ibigay ang kanilang mga pangangailangan.

Hinimok din ni Valles ang mga Mindanaoans na manatiling matatag sa kabila ng dinanas na sakuna.

Positibo rin ang CBCP na sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, muling babalik sa normal ang buhay ng mga taga-Mindanao mula sa mapanirang lindol.

Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, anim na raw ang kumpirmadong patay habang 93 naman ang sugatan sa naganap na pagyanig.