-- Advertisements --

Umapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Pilipino na ipagdasal at huwag ikampaniya si Louis Antonio Cardinal Tagle na maging sunod na Santo Papa kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis noong Lunes, Abril 21.

Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano, dapat igalang ang kasarinlan ng mga elector at ang ating magagawa ay ipagdasal si Cardinal Tagle, ang tumatayong pro-prefect ng Dicastery for Evangelization at ang nalalabi pang cardinal-electors.

Ipinaliwanag din ng CBCP official na maaaring ma-misinterpret ito na maaaring maimpluwensiyahan ang conclave ng outside forces kung sakali mang maging sunod ngang pontiff si Cardinal Tagle.

Ginawa ng CBCP ang pahayag matapos mapaulat na isa si Cardinal Tagle sa “papabili” o contender para maging sunod na Santo Papa na mamumuno sa 1.4 milyong Katoliko sa buong mundo.

Tinatawag din ng ilan si Cardinal Tagle bilang “Asian Pope Francis”.

Pagkatapos nga ng paglibing kay Pope Francis sa araw ng Sabado, Abril 26, magtitipun-tipon ang mga Cardinal na edad 80 anyos pababa para sa conclave at magbobotohan para sa susunod na Santo Papa.

Mayroong kabuuang tatlong cardinal-electors mula sa Pilipinas, maliban kay Tagle ay sina Pablo Virgilio Cardinal David ng Kalookan at Jose Cardinal Advincula ng Maynila.