Nilinaw ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Linggo na, taliwas sa mga kumakalat na haka-haka, walang itinuturing na “top contender” sa hanay ng mga cardinals na lalahok sa conclave para pumili ng bagong Santo Papa matapos pumanaw si Pope Francis.
Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, sinuman sa 135 cardinal electors ang maaaring mahalal basta’t makakuha sila ng dalawang-katlong (2/3) na boto.
Aniya, sa general congregation ng mga kardinal, unti-unti nilang matutukoy kung sino ang karapat-dapat iboto, nang walang kampanya o public frontrunner, na aniya’y produkto lamang ng media at pananaw ng publiko.
Tatlong Filipino cardinal ang kabilang sa mga maaaring bumoto nariyan sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, at Caloocan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David.
Paliwanag ni Cardinal David, kahit hindi sikat ang isang cardinal, maaari pa rin siyang piliin ng Banal na Espiritu bilang bagong Santo Papa, gaya ng nangyari kay Pope Francis.
Matapos mailibing si Pope Francis, sisimulan muna ang “Novemdiales,” o siyam na araw ng pagluluksa, bago magsimula ang secretive conclave sa Sistine Chapel. Itataas ang puting usok bilang tanda ng pagkakahalal ng bagong Santo Papa, habang itim na usok naman ang nangangahulugang walang napili.
Pumanaw si Pope Francis noong Abril 21 dahil sa stroke.