-- Advertisements --

Itinanggi ni Father Jerome Cecilliano, tagapagsalita ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na bahagi sila ng tangkang pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.

Kasunod pa rin ito ng pagdawit ni Peter Jomel Advincula alyas Bikoy sa isang alyas Father Alejo na nagpakilala sa kanya sa mga taga oposisyon para palutangin ang serye ng Bikoy videos na nagpapakita ng ugnayan diumano ng Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito sa transaksiyon ng iligal na droga.

Pero ayon kay Cecilliano, kung totoo mang may paring kumausap o mga paaralang pinagdausan ng mga pagpupulong para plantsahin Ang Bikoy video ay wala umanong kinalaman dito ang simbahan.

Maalalang binanggit din ni Advincula na isinagawa nila ang pagpupulong sa Ateneo de Manila University at De La Salle University na mga paaralang pinatatakbo ng simbahang Katolika.

Iginiit ng tagapagsalita ng CBCP na hindi nila kalaban ang administrasyon at ang pagpuna nila sa pamahalaan ay patungkol lamang sa mga polisiya na hindi tugma sa pananaw o katuruan mismo ng simbahan.