KALIBO, Aklan – Bukas sa pagtanggap ang Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC) ukol sa napipintong pagpapatayo ng tulay na magdudugtong sa isla ng Boracay at mainland Malay, Aklan.
Ayon kay CBTMPC Chairman Godofredo Sadiasa, wala umano silang kontrol at “choice†sa nais mangyari ng pamahalaan kundi paghandaan nalang sakaling matuloy ang naturang proyekto.
Malaking hamon aniya sa gobyerno ang isyu sa livelihood, kalikasan at ang posibilidad na pagkawala ng kagandahan ng Boracay dahil sa nakasanayang motorbanca ang ginagamit na transportasyon papasok sa isla at umaarangkada na rin ang mga electric-vehicle.
Nababahala umano sila sa posibilidad na magiging dahilan ito ng pagtaas ng kriminalidad at pagsikip sa isla kung hindi ma-regulate ang mga papasok na behikulo.
Una rito, inanunsyo na ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na malapit nang mapagpasyahan ang planong 1.2 kilometer na limited-access bridge na paglalaanan ng nasa P5.5 bilyon na pondo ng malaking kumpanya.
Kung pumasa sa DPWH ay isusumite ito sa National Economic and Development Authority (NEDA) kung saan, sila ang huling magpapasya para sa pag-apruba ng proyekto at kung kailan ito maaaring sisimulan.