KALIBO, Aklan – Dahil sa pagbuhos ng maraming pasahero patawid sa mainland Malay, magdadagdag ng limang malalaking motorbanca ang Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative (CBTMPC) upang maitawid ang mga pasahero na karamihan ay mga nagtatrabaho sa isla ng Boracay.
Ito ay makaraang binigyan ang CBTMPC ng pansamantalang permiso ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (MARINA) na maaaring maglayag ang motorbanca habang hindi pa dumarating ang apat na dagdag na unit ng fastcraft.
Sa kasalukuyan ay may walong fastcraft na naglalayag mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi alinsunod sa ipinalabas na Memorandum ng MARINA na “Sunrise to Sunset” na lamang ang byahe ng mga motorbanca patawid sa isla ng Boracay vice versa.
Ngunit hindi pa rin umano ito sapat na maitawid lahat ang mga pasahero na kinabibilangan ng mga manggagawa, bakasyunista at turista kaya kailangan ang dagdag na motorbanca.
Maalalang sinuspinde ng MARINA ang byahe ng mga motorbanca pagdating ng gabi maliban na lamang sa fastcraft na maaaring maglayag mula sa Tabon port papuntang Tambisaan port vice versa.
Layunin nito na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero lalo na ng mga turista na bumabakasyon sa isla.