-- Advertisements --

Inulat ng Chinese state media na nagtaas ng bandila ang China Coast Guard (CCG) sa Sandy Cay (kilala sa Pilipinas bilang Pag-asa Cay 2) sa Spratly Islands at nagdeklara ng “sovereign jurisdiction” sa lugar.

Ayon sa ulat ng Global Times, naganap ang insidente “noong kalagitnaan ng Abril,” kung saan nagsagawa rin ang mga tauhan ng CCG ng inspeksyon at paglilinis sa nasabing reef.

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maglalabas ng opisyal na pahayag ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) hinggil sa insidente.

Ang Sandy Cay ay malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS), kung saan may nakabase na mga sundalong Pilipino at isang maliit na komunidad.

Noong Enero, inakusahan ng Philippine Coast Guard ang CCG at Chinese Navy ng pambu-bully sa mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na patungo sa Sandy Cay para sa marine survey, kasunod ng ulat ng paglalagay ng durog na corals sa lugar.