Inihayag ng China Coast Guard (CCG) na kinuwestyon at sinubaybayan umano nito ang supply mission ng barko ng Pilipinas sa Ayungin shoal o tinatawag ng China na Second Thomas Shoal.
Sa isang statement, sinabi ng CCG na pinayagan umano nito ang civilian vessel ng Pilipinas para magdala ng mga suplay sa barkong pandigma na iligal na isinadsad sa Ayungin shoal.
Hinimok din ng CCG ang Pilipinas na makipagtulungan sa China para mapangasiwaan ang maritime situation.
Nauna naman ng iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong Huwebes, na matagumpay na nakumpleto ang rotation at resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal kahapon, Abril 9 kasabay ng ika-83 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Isinagawa ang RoRe mission sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard at natapos nang walang anumang untoward incident.
Ito na ang ika-pitong sunod na resupply mission na nakumpleto nang walang interference simula noong Hulyo. Matatandaan kasi na sa nakalipas na taon, madalas na harangin o i-harass ng mga barko ng China ang mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Ang matagumpay na resupply mission ay iniuugnay sa provisional arrangement na pinagkasunduan ng Pilipinas at China noong Hulyo 2024.