Binuntutan ng China Coast Guard vessel ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Gabriela Silang malapit sa Bajo de Masinloc.
Ito ay sa gitna pa rin ng patuloy na paggiit ng China ng pag-aangkin nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay US Maritime security expert Ray Powell, binuntutan ng 100 meter na CCG vessel 3302 ang BRP Gabriela Silang habang nagpapatrolya sa 50 hanggang 70 nautical miles ng shoal.
Nakaistasyon naman sa may bukana ng shoal ang isa pang CCG vessel na may bow number 3305.
Base sa monitoring ni Powell sa WPS, karaniwan aniyang nasa 15 nautical miles ang PCG vessels mula sa shoal para magbigay ng suporta o suplay para sa mga mangingisdang Pilipino. Subalit nitong mga nakalipas aniya na araw, bibihira na lamang na makalapit ang mga barko ng PH sa may bukana ng shoal.
Una ng iniulat ni Powell na nasa 6 na Qiong Sansha Yu militia vessels ang bumalik sa Bajo de Masinloc mula sa kanilang military base sa Panganiban reef matapos ang umalis ang mga ito dahil sa bagyong Enteng noong nakalipas na linggo.