-- Advertisements --

Hawak na ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa region 5 ang CCTV footage na nakahagip sa pamamaslang kay AKO Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Sa ngayon sinusuri na ng mga imbestigador ang nasabing CCTV footage.

Ayon kay Police Regional Office 5 regional police director CSupt. Arnel Escobal nasa anim na indibidwal ang kanilang natukoy na persons of interest kaugnay sa pamamaslang.

Nakuhanan na rin ng pahayag ang anim na nasugatan sa insidente ng pananambang.

Sinabi ni Escobal na 13 police officials ang bumubuo sa kanilang binuong Special Investigation Task Group Batocabe na siyang tututok sa imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaslang kay Rep. Rodel Batocabe at sa kaniyang security escort na si SPO1 Orlando Diaz.

Si CSupt. Escobal ang regional director ng PRO5 ang siyang mamumuno o supervisor ng binuong SITG Batocabe habang si PSSupt Nicerio Obaob ang siyang SITG Commander.

Dalawang anggulo sa motibo ang tinitignan ng PNP sa Batocabe slay-case, una ay ang pulitika at pangalawa ay mga rebeldeng NPA.

Ibinunyag ni Escobal na may insidente na idiniklarang persona non-grata si Batocabe ng NPA.

Tiniyak naman ng heneral na sa lalong madaling panahon ay mareresolba ang kasong pamamaslang kay Rep. Batocabe.

Sa kabilang dako, ipinag-utos na rin ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde kay CIDG Director CSupt. Amador Corpus na pangunahan ang imbestigasyon kaugnay sa Batocabe slay-case.

” Nasa process palang sila ng conference at nagmi meeting, but I directed no less than the director of CIDG to lead or take the lead in the investigation, meron tayong na create na SITG at ang timeline natin dito is as soon as possible,” pahayag ni PNP Chief Albayalde.