-- Advertisements --

sundalo

Tumanggi munang magkomento ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa kumakalat na CCTV footage ng Jolo shooting incident kung saan ipinapakita ang umano’y paglabag sa protocol ng mga pulis matapos ang pamamaril sa apat na sundalo sa Jolo,Sulu.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson BGen Bernard Banac, ipinauubaya na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy ang authenticity ng nasabing CCTV footage na kumakalat ngayon sa social media.

Sinabi ni Banac, mahalagang ebidensiya ang CCTV footage kaya dapat lamang na suriin ito ng mabuti.

sunda3

Kitang-kita sa CCTV Footage ang nakahandusay na katawan ng apat na sundalo na ginagalaw ng isang indibidwal na nakasuot ng sumbrero.

Kita din na may inaabot ang nakasumbrerong indibidwal sa kaniyang kasamahan at may inilagay sa katawan ng nasawing sundalo.

Kita din na binubuksan nito ang pinto ng SUV na tila may ginagawa sa loob ng sasakyan at may inilagay sa kaniyang bag.

Isa kasi sa apat na nasawing sundalo ay nasa loob ng sasakyan.

Una ng binawi ng PNP ang kanilang unang pahayag na misencounter at sinabing shootout ang nangyari.

Inamin na rin ni Banac na hindi talaga nagpaputok ng kanilang mga armas ang mga sundalo.

Binigyang-diin ni Banac sa sandaling mapatunayang guilty ang siyam na pulis, tiyak mananagot ang mga ito.

Sa kabilang dako, naghihintay lamang ng go signal ang PNP kung kailan personal na kausapin ni Pang. Rodrigo Duterte ang siyam na pulis na bumaril patay sa apat na sundalo.

Sinabi ni Banac, nakahanda rin ang PNP na itransport ang siyam na pulis mula Sulu patungong Metro Manila.

Gumugulong na rin ang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service at sinibak na sa pwesto ang chief of police ng Jolo Municipal Police Station na si Lt. Col. Walter Annayo dahil sa command responsibility.

Kasalukuyang nasa floating status si Annayo at nasa kustodiya ng Sulu Police Provincial Director.