GENERAL SANTOS CITY – Natapos na ang ginawang pag-inspeksyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa himpilan ng Bombo Radyo Gensan matapos paulanan ng bala nitong Miyerkules ng gabi.
Nakita ang limang tama ng bala sa bubong ng himpilan at isa sa bubong ng generator set.
Habang basag din ang salamin ng recording room at ng glass door.
Sa ngayon tinutunton na ng pulisya ang mga CCTV records sa bawat posibleng dadaanan ng pulang pick up na sinakyan ng mga suspek.
Samantala, sa CCTV footage ng Bombo Radyo Gensan, nahagip ang naturang sasakyan kung saan tumatakbo ang pick up habang pinagbabaril ang harapan ng istasyon.
Sinabi ng Police Regional Office (PRO)-12 na ito ang unang insidente ng straffing incident ng radio station sa Soccsksargen at nangako silang pananagutin ang mga suspek.
Una na ring kinondena ng Presidential Task Force on Media Security ang naturang pangyayari at tiniyak na hindi palalampasin ang nasabing harrasment.
Patuloy naman ang paninindigan ng Bombo Radyo Gensan sa pagbabalita ng katotohanan at walang kinikilingan.