-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY- Umapela ngayon ang pamilya Dormitorio sa liderato ng Philippine Military Academy (PMA) na sisikaping ma-rekober ang laman ng Closed-Circuit Television (CCTV) na napapaloob ang mga pangyayari bago at sa mismong pang-maltrato kay Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa Baguio City noong nakaraang linggo.

Ito ay matapos kumprimahin sa tagapagsalita ng pamilya na si Dexter Dormitorio na biglang nabura at na reset ang CCTV footages na naka-install sa bahagi ng quarters o rooms kung saan nakabase ang mga kadete na kinabibilangan ni Darwin.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Dexter na kataka-taka na sa pagiging moderno ng mga kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay biglaan ang pagkawala ng CCTV footages na kuha ang mga galaw mga kadete sa loob ng PMA.

Inihayag nito na sana ay hindi ito palalagpasin ng mga bagong upo na PMA officials na sina Rear Admiral Allan Cusi at Cadet Commandant Brig/Gen Romeo Brawner Jr. upang mabigyang kung gaano katindi ang natanggap na pagmaltrato ni Darwin mula sa kanyang ilang upper classmen cadets.

Kung maalala, nabugbog ng husto si Dormitorio dahil sa kautusan na rin ni PMA Cadet 1st Class Axl Ray Sanupao sa kanyang ibang underclass men dahil lamang sa umano’y pagkawala ng combat boots nito noong nakaraang linggo.