CAGAYAN DE ORO CITY – Nakuha ni independent presidential candidate Vice President Leni Robredo ang suporta mula kay incumbent Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan, para sa nalalapit na halalan sa May 9.
Kaugnay ito ng unang pagbisita ni Robredo bilang national candidate sa pangunahing mga lungsod sa Northern Mindanao nitong nakalipas na araw.
Sakay ng pribadong chopper, unang lumapag ang team ni Robredo sa kanyang supporters sa Iligan City at dumeritso sa Gingoog City sa Misamis Oriental at nagtapos para sa kanyang political rally sa plaza Divisoria ng Cagayan de Oro.
Bago humarap si Robredo sa tinatayang 10,000 na political supporters na mula sa iba’t ibang sektor ng rehiyon ay dumaan muna ito sa Archbishop Patrick Cronin Hall sa mismong bisinidad ng San Agustin Cathedral.
Dito hinarap din niya ang ilang lokal na lider ng simbahan.
Naghayag din ng suporta si Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma sa kandidatura ni Robredo.
Una rito, nilinaw naman ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs Executive Sec. Fr. Jerome Secillano na wala silang kinalaman sa hayagang pagsuporta ng ilan sa kanilang mga obispo at pari sa mga kandidato dahil personal nila itong mga hakbangin.
Sinabi ni Secillano na nanatili na “non-partisan” ang simbahang Katolika at hindi nag-iindorso ng sinumang mga kandidato sa mga halalan.
Bagamat iginalang daw nila ang karapatan ng kanilang mga kasamahan bilang mga botante rin sa bansa.