CAGAYAN DE ORO CITY – Nakaranas ng malawakang pagbaha ang malaking bahagi ng Cagayan de Oro City nitong hapon ng Lunes.
Ito ay bunsod ng walang humpay na pag-ulan epekto ng hanging habagat at low pressure area (LPA) sa bandang Mindanao.
Sa paglilibot ng Bombo Radyo CdeO coverage team, umaabot hanggang beywang ang lalim ng tubig sa ilang mga lansangan dahil nag-overflow ang mga kanal at drainage system.
Marami naman sa mga motorista ang stranded dahil hindi madaanan ang ilang mga pangunahing kalsada dahil sa rumaragasang tubig.
Napaulat din na mayroon umanong “tornado” na tumama sa Barangay Cugman ng lungsod subalit ito ay bina-validate pa ng local government officials.
Napasok na rin ang tubig-baha ang ilang tanggapan ng gobyerno at maraming kabahayan sa mga barangay.
Wala namang naiulat ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Department na mayroong mga residente na sugatan o kaya’y missing kaugnay sa masamang panahon na tumama sa lungsod.
Kabilang sa inisyal na binaha ay ang mga barangay ng Carmen, Camaman-an, Kauswagan, Lapasan at Cugman na nasasakop sa una at pangunahing distrito ng siyudad.