CAGAYAN DE ORO CITY – Inilagay ngayon ng local government unit ang buong Cagayan de Oro City sa state of emergency.
Kasunod ito sa inilabas na sulat mula sa Manila-based Metro Pacific Water sa pamamagitan ng Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated (COBI) na nagbigay abiso sa kompanyang Rio Verde Water Consortium Incorporated na hindi muna magsu-suplay ng tubig para sa western side service area ng syudad na pinatakbo ng Cagayan de Oro Water District (COWD).
Hiningi ni City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy kay City Vice Mayor Jocelyn Rodriguez na magsagawa ng special session ang city council upang ipagtibay ang inilabas na executive order 196- 2024 para masuportahan ang state of emergency declaration.
Agad namang umani ng mayoriyang suporta ang hakbang ng city government at nagpasa rin ng apat pang resolusyon ang konseho dahil sa water cut off order ng MetroPac-COBI.
Sinabi ni City Councilor Atty. Edgar Cabanlas, majority leader ng konseho na hindi lang state of emergency subalit hinikayat rin nila ang ibang water suppliers na tulungan muna ang COWD sa kinaharap na problema.
Katunayan,binigyang pahintulot rin ng konseho na makapag-emergency water purchase order ang COWD habang hindi na pa na-resolba ang gusot nila sa COBI.
Magugunitang siningil ng MetroPac ng higit 479 million pesos na payables ang city district subalit ayaw magbayad ng COWD dahil kinu-kuwestiyon ng LGU-CdeO at kasalukuyang board of directors ang ilang probisyon ng 30-years water contract.