CAGAYAN DE ORO CITY – Isinailalim ngayon sa dalawang linggong medikasyon ang City Police Director ng Cagayan de Oro Police office matapos maaksidente sa naganap na motorcycle training sa loob ng Camp Alagar, Brgy. Lapasan sa Cagayan de Oro City.
Base sa kanyang medical bulletin, matapos ang operasyon sa kanyang ulo ay nasa state of coma pa rin ang naturang police director mula nang ito’y dalhin sa ospital araw ng Miyerkules.
Nang maganap ang insidente, hindi inakala ni Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson Mardi Hortillosa na mauwi sa disgrasya ang final pre-jump activity ni Col. Nelson Aganon at hindi niya namaniobra ang kanyang motor at umabot sa 40 feet ang taas ng kanyang panghuli sanang stint ng motorcycle jump.
Habang nasa ere, binitawan ni Aganon ang kanyang Kawasaki KLX dirt bike at unang tumama ang kanyang ulo’t dibdib sa lupa.
Mabilis naman dinala sa ospital ang naaksidenteng opisyal.
Habang nasa ospital ang 46-anyos na police director, ang deputy director for administration ng COCPO ang nagsisilbing OIC city police director.
Sa pag-assume ni Lt. Col. Reynante Reyes sa nabakanteng posisyon ni Aganon, inihayag nitong pinatigil muna ni Police Regional Office Region 10 Director Rafael Santiago Jr ang 45 day motorcycle course nitong rehiyon.