-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kinilampag ngayon ng Sangguniang Kabataan (SK) Cagayan de Oro City Chapter ang local government unit na dibdiban nang ipatupad ang ordinansa o local law na nag-oobliga sa lahat ng elected officials na sumailalim ng surprise random drug test.

Ito ay upang matukoy ang kanilang kasamahan na nasa pagkalulong o mismong nagpupuslit ng ilegal na droga habang nanunungkulan ng pamahalaan ng syudad.

Ginawa ni CdeO SK Chapter Federation President Kagawad John Michael Seno ang apela matapos naaresto ng pulisya ang kanyang bise-presidente at kasalukuyang SK chairman ng Barangay Balulang na si Chuck Grover Yañez,26 anyos habang inilunsad ang anti-illegal drug buy bust operation sa Sambaan Village,Barangay Patag ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Seno na nakakadismaya na hinayaan ni Yañez na magamit ng mga sindikato para maging umano’y kasangkapan ng ilegal na gawain imbis na huwaran at mangunguna sana upang hubugin ang kabataan tungo sa pagtahak ng mabuting bukas ng kanilang buhay.

Inihayag ni Seno na ayaw na nito na maulit pa na mayroong SK officials kaya sana ipatupad na ng tuluyan ng CdeO-LGU ang batas na obligado ang lahat ng mga opisyal na sasailalim ng drug testing.

Magugunitang ayon sa pulisya,matagal na umanong matunog ang pangalan ng suspek na nasangkot ng ilegal na aktibidad kahit nasa posisyon.

Una nang sinubok ng Bombo Radyo na kunan ng komento ang suspek subalit mas pinili nito na manahimik kaugnay sa pagka-aresto nito noong Sabado ng gabi.

Bagamat nasa ilang sachets lamang ng suspected shabu ang nakompiska ng pulisya at marked money ang umano’y nakompiska mula sa suspek na nakatakdang sasampahan ng paglabag ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002).