-- Advertisements --

KORONADAL – Nag-iwan ng tinatayang P2 milyon ang iniwang danyos makaraang manalasa ang isang buhawi sa Tacurong City.

Kinumpirma ito ni Rodrigo Jamorabon, CDRRMO Officer ng Tacurong sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Jamorabon, tatlong paaralan ang iniulat ng Department of Education na labis na naapektuhan ng buhawi matapos na bumigay ang bubong ng ilang mga silid-aralan.

Kabilang sa mga apektadong paaralan ang Dr. Manuel J. Griño Memorial Central School, na nakapagtala ng halos P90,000 na danyos; at tag-P300,000 halaga ng pinsala naman sa Abang-Suizo Elementary School at San Emmanuel National High School Annex.

Dagdag pa ni Jamorabon, 21 poste ng kuryente ang natumba dahil sa malakas na hangin sa Brgy. San Pablo at Brgy San Emmanuel, na aabot sa halos P500,000.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang assessment ng DSWD at ng lokal na pamahalaan sa pinsala ng buhawi sa halos 60 bahay kung saan hindi pa rin naibabalik ang suplay ng kuryente.

Sa ngayon, nagpa-abot na umano ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga naapektuhan ng buhawi.