CEBU – Ikinadismaya ng alkalde ng bayan ng Compostela sa Cebu ang hindi pagrespeto ng KAPA-Community Ministry, Inc. sa kanyang pagpapatigil sa mga aktibidad ng organisasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Compostela Mayor Joel Quiño, giit nitong nagpalabas siya ng cease and desist order at pinalagyan pa ng notice sa gate ng opisina ng KAPA.
Gayunman, pinatanggal diumano ito ni Christopher Abad na kinilalang lider ng organisasyon sa nasabing bayan.
Ayon kay Quiño, hindi kumuha ng mayor’s permit at wala ring business permit ang KAPA kaya niya ipinatigil ang operasyon.
Malaki aniya ang kanyang paniniwala na isang negosyo at hindi ministry ang KAPA dahil wala namang religious group na sangkot sa malakihang halaga ng salapi at wala ring donasyon na may interest.
Kaugnay nito, nagdesisyon ang alkalde na magsasampa ng karagdagang kaso.
Nagpasalamat din ang alkalde sa Bombo Radyo dahil sa mga impormasyon na nakuha nito na kanya raw magagamit sa mas mahigpit na pagtutok sa sinasabing investment scam.